State of the Nation Address of His Excellency Benigno S. Aquino III President of the Philippine
MANILA,
July 27 (PNA) -- Speaker Feliciano Belmonte; Senate President Juan Ponce
Enrile; Vice President Jejomar Binay; Chief Justice Renato Corona;
Former Presidents Fidel Valdez Ramos and Joseph Ejercito Estrada;
members of the House of Representatives and the Senate; distinguished
members of the diplomatic corps; my fellow workers in government;
Mga minamahal kong kababayan:
Sa bawat sandali po ng pamamahala ay nahaharap tayo sa isang sangandaan.
Sa
isang banda po ay ang pagpili para sa ikabubuti ng taumbayan. Ang
pagtanaw sa interes ng nakakarami; ang pagkapit sa prinsipyo; at ang
pagiging tapat sa sinumpaan nating tungkulin bilang lingkod-bayan. Ito
po ang tuwid na daan.
Sa
kabilang banda ay ang pag-una sa pansariling interes. Ang pagpapaalipin
sa pulitikal na konsiderasyon, at pagsasakripisyo ng kapakanan ng
taumbayan. Ito po ang baluktot na daan.
Matagal
pong naligaw ang pamahalaan sa daang baluktot. Araw-araw po, lalong
lumilinaw sa akin ang lawak ng problemang ating namana. Damang-dama ko
ang bigat ng aking responsibilidad.
Sa
unang tatlong linggo ng aming panunungkulan, marami po kaming
natuklasan. Nais ko pong ipahayag sa inyo ang iilan lamang sa mga namana
nating suliranin at ang ginagawa naming hakbang para lutasin ang mga
ito.
Sulyap
lamang po ito; hindi pa ito ang lahat ng problemang haharapin natin.
Inilihim at sadyang iniligaw ang sambayanan sa totoong kalagayan ng
ating bansa.
Sa
unang anim na buwan ng taon, mas malaki ang ginastos ng gobyerno kaysa
sa pumasok na kita. Lalong lumaki ang deficit natin, na umakyat na sa
196.7 billion pesos. Sa target na koleksyon, kinapos tayo ng 23.8
billion pesos; ang tinataya namang gastos, nalagpasan natin ng 45.1
billion pesos.
Ang
budget po sa 2010 ay 1.54 trillion pesos.
Nasa isandaang bilyong piso o anim at kalahating porsyento na lang ng
kabuuan ang malaya nating magagamit para sa nalalabing anim na buwan ng
taong ito.
Halos isang porsyento na lang po ng kabuuang budget ang natitira para sa bawat buwan.
Saan naman po dinala ang pera?
Naglaan
ng dalawang bilyong piso na Calamity Fund bilang paghahanda para sa mga
kalamidad na hindi pa nangyayari. Napakaliit na nga po ng pondong ito,
ngunit kapapasok pa lang natin sa panahon ng baha at bagyo, 1.4 billion
pesos o sitenta porsyento na ang nagastos.
Sa
kabuuan ng 108 million pesos para sa lalawigan ng Pampanga, 105 million
pesos nito ay napunta sa iisang distrito lamang. Samantala, ang
lalawigan ng Pangasinan na sinalanta ng Pepeng ay nakatanggap ng limang
milyong piso lamang para sa pinsalang idinulot ng bagyong Cosme, na
nangyari noong 2008 pa.
Ibinigay
po ang pondo ng Pampanga sa buwan ng eleksyon, pitong buwan pagkatapos
ng Ondoy at Pepeng. Paano kung bumagyo bukas? Inubos na ang pondo nito
para sa bagyong nangyari noong isang taon pa. Pagbabayaran ng
kinabukasan ang kasakiman ng nakaraan.
Ganyan
din po ang nangyari sa pondo ng MWSS. Kamakailan lamang, pumipila ang
mga tao para lang makakuha ng tubig. Sa kabila nito, minabuti pa ng
liderato ng MWSS na magbigay ng gantimpala sa sarili kahit hindi pa
nababayaran ang pensyon ng mga retiradong empleyado.
Noong
2009, ang buong payroll ng MWSS ay 51.4 million pesos. Pero hindi lang
naman po ito ang sahod nila; may mga additional allowances at benefits
pa sila na aabot sa 160.1 million pesos. Sa madaling sabi, nakatanggap
sila ng 211.5 million pesos noong nakaraang taon. Beinte-kuwatro
porsyento lang nito ang normal na sahod, at sitenta’y sais porsyento ang
dagdag.
Ang
karaniwang manggagawa hanggang 13th month pay plus cash gift lang ang
nakukuha. Sa MWSS, aabot sa katumbas ng mahigit sa tatlumpung buwan ang
sahod kasama na ang lahat ng mga bonuses at allowances na nakuha nila.
Mas
matindi po ang natuklasan natin sa pasahod ng kanilang Board of
Trustees. Tingnan po natin ang mga allowances na tinatanggap nila:
Umupo
ka lang sa Board of Trustees at Board Committee meeting, katorse mil
na. Aabot ng nobenta’y otso mil ito kada buwan. May grocery incentive pa
sila na otsenta mil kada taon.
Hindi
lang iyon: may mid-year bonus, productivity bonus, anniversary bonus,
year-end bonus, at Financial Assistance. May Christmas bonus na, may
Additional Christmas Package pa. Kada isa sa mga ito, nobenta’y otso
mil.
Sa
suma total po, aabot ang lahat ng dalawa’t kalahating milyong piso kada
taon sa bawat miyembro ng Board maliban sa pakotse, technical
assistance, at pautang. Uulitin ko po. Lahat ng ito ay ibinibigay nila
sa kanilang mga sarili habang hindi pa nababayaran ang mga pensyon ng
kanilang mga retirees.
Pati
po ang La Mesa Watershed ay hindi nila pinatawad. Para magkaroon ng
tamang supply ng tubig, kailangang alagaan ang mga watershed. Sa
watershed, puno ang kailangan. Pati po iyon na dapat puno ang nakatayo,
tinayuan nila ng bahay para sa matataas na opisyal ng MWSS.
Hindi
naman sila agad maaalis sa puwesto dahil kabilang sila sa mga Midnight
Appointees ni dating Pangulong Arroyo. Iniimbestigahan na natin ang
lahat nang ito. Kung mayroon pa silang kahit kaunting hiya na natitira –
sana kusa na lang silang magbitiw sa puwesto.
Pag-usapan
naman po natin ang pondo para sa imprastruktura. Tumukoy ang DPWH ng
dalawandaan apatnapu’t anim na priority safety projects na popondohan ng
Motor Vehicle User's Charge. Mangangailangan po ito ng budget na 425
million pesos.
Ang
pinondohan po, dalawampu’t walong proyekto lang. Kinalimutan po ang
dalawandaan at labing walong proyekto at pinalitan ng pitumpung proyekto
na wala naman sa plano. Ang hininging 425 million pesos, naging 480
million pesos pa, lumaki lalo dahil sa mga proyektong sa piling-piling
mga benepisyaryo lang napunta.
Mga proyekto po itong walang saysay, hindi pinag-aralan at hindi pinaghandaan, kaya parang kabuteng sumusulpot.
Tapos
na po ang panahon para dito. Sa administrasyon po natin, walang
kota-kota, walang tongpats, ang pera ng taumbayan ay gagastusin para sa
taumbayan lamang.
Meron
pa po tayong natuklasan. Limang araw bago matapos ang termino ng
nakaraang administrasyon, nagpautos silang maglabas ng 3.5 billion pesos
para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng.
Walumpu’t
anim na proyekto ang paglalaanan dapat nito na hindi na sana idadaan sa
public bidding. Labingsiyam sa mga ito na nagkakahalaga ng 981 million
pesos ang muntik nang makalusot. Hindi pa nailalabas ang Special
Allotment Release Order ay pirmado na ang mga kontrata.
Buti
na lang po ay natuklasan at pinigilan ito ni Secretary Rogelio Singson
ng DPWH. Ngayon po ay dadaan na ang kabuuan ng 3.5 billion pesos sa
tapat na bidding, at magagamit na ang pondo na ito sa pagbibigay ng
lingap sa mga nawalan ng tahanan dahil kina Ondoy at Pepeng.
Pag-usapan
naman natin ang nangyari sa NAPOCOR. Noong 2001 hanggang 2004, pinilit
ng gobyerno ang NAPOCOR na magbenta ng kuryente nang palugi para hindi
tumaas ang presyo. Tila ang dahilan: pinaghahandaan na nila ang
eleksyon.
Dahil
dito, noong 2004, sumagad ang pagkakabaon sa utang ng NAPOCOR.
Napilitan ang pambansang gobyerno na sagutin ang dalawandaang bilyong
pisong utang nito.
Ang
inakala ng taumbayan na natipid nila sa kuryente ay binabayaran din
natin mula sa kaban ng bayan. May gastos na tayo sa kuryente,
binabayaran pa natin ang dagdag na pagkakautang ng gobyerno.
Kung
naging matino ang pag-utang, sana’y nadagdagan ang ating kasiguruhan sa
supply ng kuryente. Pero ang desisyon ay ibinatay sa maling pulitika,
at hindi sa pangangailangan ng taumbayan. Ang taumbayan, matapos
pinagsakripisyo ay lalo pang pinahirapan.
Ganito
rin po ang nangyari sa MRT. Sinubukan na namang bilhin ang ating
pagmamahal. Pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe.
Hindi
tuloy nagampanan ang garantiyang ibinigay sa operator na mababawi nila
ang kanilang puhunan. Dahil dito, inutusan ang Landbank at Development
Bank of the Philippines na bilhin ang MRT.
Ang pera ng taumbayan, ipinagpalit sa isang naluluging operasyon.
Dumako naman po tayo sa pondo ng NFA.
Noong
2004: 117,000 metric tons ang pagkukulang ng supply ng Pilipinas. Ang
binili nila, 900,000 metric tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit pitong
beses ang pagkukulang, sobra pa rin ang binili nila.
Noong
2007: 589,000 metric tons ang pagkukulang ng supply sa Pilipinas. Ang
binili nila, 1.827 million metric tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit
tatlong beses ang pagkukulang, sobra na naman ang binili nila.
Ang
masakit nito, dahil sobra-sobra ang binibili nila taun-taon, nabubulok
lang pala sa mga kamalig ang bigas, kagaya ng nangyari noong 2008.
Hindi
po ba krimen ito, na hinahayaan nilang mabulok ang bigas, sa kabila ng
apat na milyong Pilipinong hindi kumakain ng tatlong beses sa isang
araw?
Ang resulta nito, umabot na sa 171.6 billion pesos ang utang ng NFA noong Mayo ng taong ito.
Ang tinapon na ito, halos puwede na sanang pondohan ang mga sumusunod:
Ang budget ng buong Hudikatura, na 12.7 billion pesos sa taong ito.
Ang Conditional Cash Transfers para sa susunod na taon, na nagkakahalaga ng 29.6 billion pesos.
Ang lahat ng classroom na kailangan ng ating bansa, na nagkakahalaga ng 130 billion pesos.
Kasuklam-suklam ang kalakarang ito. Pera na, naging bato pa.
Narinig
po ninyo kung paano nilustay ang kaban ng bayan. Ang malinaw po sa
ngayon: ang anumang pagbabago ay magmumula sa pagsiguro natin na
magwawakas na ang pagiging maluho at pagwawaldas.
Kaya nga po mula ngayon: ititigil na natin ang paglulustay sa salapi ng bayan. Tatanggalin natin ang mga proyektong mali.
Ito
po ang punto ng tinatawag nating zero-based approach sa ating budget.
Ang naging kalakaran po, taun-taon ay inuulit lamang ang budget na puno
ng tagas. Dadagdagan lang nang konti, puwede na.
Sa
susunod na buwan ay maghahain tayo ng budget na kumikilala nang tama sa
mga problema, at magtutuon din ng pansin sa tamang solusyon.
Ilan lang ito sa mga natuklasan nating problema. Heto naman po ang ilang halimbawa ng mga hakbang na ginagawa natin.
Nandiyan
po ang kaso ng isang may-ari ng sanglaan. Bumili siya ng sasakyang
tinatayang nasa dalawampu’t anim na milyong piso ang halaga.
Kung kaya mong bumili ng Lamborghini, bakit hindi mo kayang magbayad ng buwis?
Nasampahan
na po ito ng kaso. Sa pangunguna nina Finance Secretary Cesar Purisima,
Justice Secretary Leila de Lima, BIR Commissioner Kim Henares at
Customs Commissioner Lito Alvarez, bawat linggo po ay may bago tayong
kasong isinasampa kontra sa mga smuggler at sa mga hindi nagbabayad ng
tamang buwis.
Natukoy
na rin po ang salarin sa mga kaso nina Francisco Baldomero, Jose Daguio
at Miguel Belen, tatlo sa anim na insidente ng extralegal killings mula
nang umupo tayo.
Singkuwenta porsyento po ng mga insidente ng extralegal killings ang patungo na sa kanilang resolusyon.
Ang natitira pong kalahati ay hindi natin tatantanan ang pag-usig hanggang makamit ang katarungan.
Pananagutin natin ang mga mamamatay-tao. Pananagutin din natin ang mga corrupt sa gobyerno.
Nagsimula
nang mabuo ang ating Truth Commission, sa pangunguna ni dating Chief
Justice Hilario Davide. Hahanapin natin ang katotohanan sa mga nangyari
diumanong katiwalian noong nakaraang siyam na taon.
Sa loob ng linggong ito, pipirmahan ko ang kauna-unahang Executive Order na nagtatalaga sa pagbuo nitong Truth Commission.
Kung
ang sagot sa kawalan ng katarungan ay pananagutan, ang sagot naman sa
kakulangan natin sa pondo ay mga makabago at malikhaing paraan para
tugunan ang mga pagkatagal-tagal nang problema.
Napakarami
po ng ating pangangailangan: mula sa edukasyon, imprastruktura,
pangkalusugan, pangangailangan ng militar at kapulisan, at marami pang
iba. Hindi kakasya ang pondo para mapunan ang lahat ng ito.
Kahit
gaano po kalaki ang kakulangan para mapunan ang mga listahan ng ating
pangangailangan, ganado pa rin ako dahil marami nang nagpakita ng
panibagong interes at kumpyansa sa Pilipinas.
Ito
ang magiging solusyon: mga Public-Private Partnerships. Kahit wala pa
pong pirmahang nangyayari dito, masasabi kong maganda ang magiging bunga
ng maraming usapin ukol dito.
May
mga nagpakita na po ng interes, gustong magtayo ng expressway na mula
Maynila, tatahak ng Bulacan, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, hanggang sa
dulo ng Cagayan Valley nang hindi gugugol ang estado kahit na po piso.
Sa larangan ng ating Sandatahang Lakas:
Mayroon
po tayong 36,000 nautical miles ng baybayin. Ang mayroon lamang tayo:
tatlumpu’t dalawang barko. Itong mga barkong ito, panahon pa ni
MacArthur.
May
nagmungkahi sa atin, ito ang proposisyon: uupahan po nila ang
headquarters ng Navy sa Roxas Boulevard at ang Naval Station sa Fort
Bonifacio.
Sagot
po nila ang paglipat ng Navy Headquarters sa Camp Aguinaldo. Agaran,
bibigyan tayo ng isandaang milyong dolyar. At dagdag pa sa lahat nang
iyan, magsusubi pa sila sa atin ng kita mula sa mga negosyong itatayo
nila sa uupahan nilang lupa.
Sa madali pong sabi: Makukuha natin ang kailangan natin, hindi tatayo gagastos, kikita pa tayo.
Marami
na pong nag-alok at nagmungkahi sa atin, mula lokal hanggang dayuhang
negosyante, na magpuno ng iba’t ibang pangangailangan.
Mula
sa mga public-private partnerships na ito, lalago ang ating ekonomiya,
at bawat Pilipino makikinabang. Napakaraming sektor na matutulungan
nito.
Maipapatayo na po ang imprastrukturang kailangan natin para palaguin ang turismo.
Sa
agrikultura, makapagtatayo na tayo ng mga grains terminals,
refrigeration facilities, maayos na road networks at post-harvest
facilities.
Kung
maisasaayos natin ang ating food supply chain sa tulong ng pribadong
sektor, sa halip na mag-angkat tayo ay maari na sana tayong mangarap na
mag-supply sa pandaigdigang merkado.
Kung
maitatayo ang minumungkahi sa ating railway system, bababa ang presyo
ng bilihin. Mas mura, mas mabilis, mas maginhawa, at makakaiwas pa sa
kotong cops at mga kumokotong na rebelde ang mga bumibiyahe.
Paalala
lang po: una sa ating plataporma ang paglikha ng mga trabaho, at
nanggagaling ang trabaho sa paglago ng industriya. Lalago lamang ang
industriya kung gagawin nating mas malinis, mas mabilis, at mas
maginhawa ang proseso para sa mga gustong magnegosyo.
Pabibilisin
natin ang proseso ng mga proyektong sumasailalim sa
Build-Operate-Transfer. Sa tulong ng lahat ng sangay ng gobyerno at ng
mga mamamayan, pabababain natin sa anim na buwan ang proseso na noon ay
inaabot ng taon kung hindi dekada.
May mga hakbang na rin pong sinisimulan ang DTI, sa pamumuno ni Secretary Gregory Domingo:
Ang
walang-katapusang pabalik-balik sa proseso ng pagrehistro ng pangalan
ng kumpanya, na kada dalaw ay umaabot ng apat hanggang walong oras,
ibababa na natin sa labinlimang minuto.
Ang
dating listahan ng tatlumpu’t anim na dokumento, ibababa natin sa anim.
Ang dating walong pahinang application form, ibababa natin sa isang
pahina.
Nananawagan
ako sa ating mga LGUs. Habang naghahanap tayo ng paraan para gawing mas
mabilis ang pagbubukas ng mga negosyo, pag-aralan din sana nila ang
kanilang mga proseso. Kailangan itong gawing mas mabilis, at kailangan
itong itugma sa mga sinisumulan nating reporma.
Negosyante,
sundalo, rebelde, at karaniwang Pilipino, lahat po makikinabang dito.
Basta po hindi dehado ang Pilipino, papasukin po natin lahat iyan.
Kailangan na po nating simulan ang pagtutulungan para makamit ito. Huwag
nating pahirapan ang isa’t isa.
Parating
na po ang panahon na hindi na natin kailangang mamili sa pagitan ng
seguridad ng ating mamamayan o sa kinabukasan ng inyong mga anak.
Oras
na maipatupad ang public-private partnerships na ito, mapopondohan ang
mga serbisyong panlipunan, alinsunod sa ating plataporma.
Magkakapondo na po para maipatupad ang mga plano natin sa edukasyon.
Mapapalawak natin ang basic education cycle mula sa napakaikling sampung taon tungo sa global standard na labindalawang taon.
Madadagdagan natin ang mga classroom. Mapopondohan natin ang service contracting sa ilalim ng GASTPE.
Pati ang conditional cash transfers, na magbabawas ng pabigat sa bulsa ng mga pamilya, madadagdan na rin ng pondo.
Maipapatupad ang plano natin sa PhilHealth.
Una,
tutukuyin natin ang tunay na bilang ng mga nangangailangan nito. Sa
ngayon, hindi magkakatugma ang datos. Sabi ng PhilHealth sa isang bibig,
walumpu’t pitong porsyento na raw ang merong coverage. Sa kabilang
bibig naman, singkuwenta’y tres porsyento naman. Ayon naman sa National
Statistics Office, tatlumpu’t walong porsyento ang may coverage.
Ngayon
pa lang, kumikilos na si Secretary Dinky Soliman at ang DSWD upang
ipatupad ang National Household Targetting System, na magtutukoy sa mga
pamilyang higit na nagangailangan ng tulong. Tinatayang siyam na bilyon
ang kailangan para mabigyan ng PhilHealth ang limang milyong
pinakamaralitang pamilyang Pilipino.
Napakaganda
po ng hinaharap natin. Kasama na po natin ang pribadong sektor, at
kasama na rin natin ang League of Provinces, sa pangunguna nina Governor
Alfonso Umali kasama sina Governor L-Ray Villafuerte at Governor Icot
Petilla. Handa na pong makipagtulungan para makibahagi sa pagtustos ng
mga gastusin. Alam ko rin pong hindi magpapahuli ang League of Cities sa
pangunguna ni Mayor Oscar Rodriguez.
Kung
ang mga gobyernong lokal ay nakikiramay na sa ating mga adhikain, ang
Kongreso namang pinanggalingan ko, siguro naman maasahan ko din.
Nagpakitang-gilas
na po ang gabinete sa pagtukoy ng ating mga problema at sa paglulunsad
ng mga solusyon sa loob lamang ng tatlong linggo.
Nang
bagyo pong Basyang, ang sabi sa atin ng mga may prangkisa sa kuryente,
apat na araw na walang kuryente. Dahil sa mabilis na pagkilos ni
Secretary Rene Almendras at ng Department of Energy, naibalik ang
kuryente sa halos lahat sa loob lamang ng beinte-kwatro oras.
Ito
pong sinasabing kakulangan sa tubig sa Metro Manila, kinilusan agad ni
Secretary Rogelio Singson at ng DPWH. Hindi na siya naghintay ng utos,
kaya nabawasan ang perwisyo.
Nakita
na rin natin ang gilas ng mga hinirang nating makatulong sa Gabinete.
Makatuwiran naman po sigurong umasa na hindi na sila padadaanin sa butas
ng karayom para makumpirma ng Commission on Appointments. Kung
mangyayari po ito, marami pa sa mga mahuhusay na Pilipino ang
maeengganyong magsilbi sa gobyerno.
Sa
lalong madaling panahon po, uupo na tayo sa LEDAC at pag-uusapan ang
mga mahahalagang batas na kailangan nating ipasa. Makakaasa kayo na
mananatiling bukas ang aking isipan, at ang ating ugnayan ay
mananatiling tapat.
Isinusulong
po natin ang Fiscal Responsibility Bill, kung saan hindi tayo magpapasa
ng batas na mangangailangan ng pondo kung hindi pa natukoy ang
panggagalingan nito. May 104.1 billion pesos tayong kailangan para
pondohan ang mga batas na naipasa na, ngunit hindi maipatupad.
Kailangan
din nating isaayos ang mga insentibong piskal na ibinigay noong
nakaraan. Ngayong naghihigpit tayo ng sinturon, kailangang balikan kung
alin sa mga ito ang dapat manatili at kung ano ang dapat nang itigil.
Huwag
po tayong pumayag na magkaroon ng isa pang NBN-ZTE. Sa lokal man o
dayuhan manggagaling ang pondo, dapat dumaan ito sa tamang proseso.
Hinihingi ko po ang tulong ninyo upang amiyendahan ang ating Procurement
Law.
Ayon
po sa Saligang Batas, tungkulin ng estado ang siguruhing walang
lamangan sa merkado. Bawal ang monopolya, bawal ang mga cartel na
sasakal sa kumpetisyon. Kailangan po natin ng isang Anti-Trust Law na
magbibigay-buhay sa mga prinsipyong ito. Ito ang magbibigay ng
pagkakataon sa mga Small- at Medium-scale Enterprises na makilahok at
tumulong sa paglago ng ating ekonomiya.
Ipasa na po natin ang National Land Use Bill.
Una
rin pong naging batas ng Commonwealth ang National Defense Act, na
ipinasa noon pang 1935. Kailangan nang palitan ito ng batas na tutugon
sa pangangailangan ng pambansang seguridad sa kasalukuyan.
Nakikiusap po akong isulong ang Whistleblower’s Bill upang patuloy nang iwaksi ang kultura ng takot at pananahimik.
Palalakasin
pa lalo ang Witness Protection Program. Alalahanin po natin na noong
taong 2009 hanggang 2010, may nahatulan sa 95% ng mga kaso kung saan may
witness na sumailalim sa programang ito.
Kailangang
repasuhin ang ating mga batas. Nanawagan po akong umpisahan na ang
rekodipikasyon ng ating mga batas, upang siguruhing magkakatugma sila at
hindi salu-salungat.
Ito
pong mga batas na ito ang batayan ng kaayusan, ngunit ang pundasyon ng
lahat ng ginagawa natin ay ang prinsipyong wala tayong mararating kung
walang kapayapaan at katahimikan.
Dalawa
ang hinaharap nating suliranin sa usapin ng kapayapaan: ang situwasyon
sa Mindanao, at ang patuloy na pag-aaklas ng CPP-NPA-NDF.
Tungkol
sa situwasyon sa Mindanao: Hindi po nagbabago ang ating pananaw.
Mararating lamang ang kapayapaan at katahimikan kung mag-uusap ang lahat
ng apektado: Moro, Lumad, at Kristiyano. Inatasan na natin si Dean
Marvic Leonen na mangasiwa sa ginagawa nating pakikipag-usap sa MILF.
Iiwasan
natin ang mga pagkakamaling nangyari sa nakaraang administrasyon, kung
saan binulaga na lang ang mga mamamayan ng Mindanao. Hindi tayo puwedeng
magbulag-bulagan sa mga dudang may kulay ng pulitika ang proseso, at
hindi ang kapakanan ng taumbayan ang tanging interes.
Kinikilala
natin ang mga hakbang na ginagawa ng MILF sa pamamagitan ng
pagdidisplina sa kanilang hanay. Inaasahan natin na muling magsisimula
ang negosasyon pagkatapos ng Ramadan.
Tungkol naman po sa CPP-NPA-NDF: handa na ba kayong maglaan ng kongkretong mungkahi, sa halip na pawang batikos lamang?
Kung kapayapaan din ang hangad ninyo, handa po kami sa malawakang tigil-putukan. Mag-usap tayo.
Mahirap
magsimula ang usapan habang mayroon pang amoy ng pulbura sa hangin.
Nananawagan ako: huwag po natin hayaang masayang ang napakagandang
pagkakataong ito upang magtipon sa ilalim ng iisang adhikain.
Kapayapaan
at katahimikan po ang pundasyon ng kaunlaran. Habang nagpapatuloy ang
barilan, patuloy din ang pagkakagapos natin sa kahirapan.
Dapat
din po nating mabatid: ito ay panahon ng sakripisyo. At ang
sakripisyong ito ay magiging puhunan para sa ating kinabukasan. Kaakibat
ng ating mga karapatan at kalayaan ay ang tungkulin natin sa kapwa at
sa bayan.
Inaasahan
ko po ang ating mga kaibigan sa media, lalo na sa radyo at sa print, sa
mga nagbablock-time, at sa community newspapers, kayo na po mismo ang
magbantay sa inyong hanay.
Mabigyang-buhay
sana ang mga batayang prinsipyo ng inyong bokasyon: ang magbigay-linaw
sa mahahalagang isyu; ang maging patas at makatotohanan, at ang itaas
ang antas ng pampublikong diskurso.
Tungkulin
po ng bawat Pilipino na tutukan ang mga pinunong tayo rin naman ang
nagluklok sa puwesto. Humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok.
Dahil ang nakikialam, walang-hanggan ang reklamo. Ang nakikilahok,
nakikibahagi sa solusyon.
Napakatagal
na pong namamayani ang pananaw na ang susi sa asenso ay ang intindihin
ang sarili kaysa intindihin ang kapwa. Malinaw po sa akin: paano tayo
aasenso habang nilalamangan ang kapwa?
Ang
hindi nabigyan ng pagkakataong mag-aral, paanong makakakuha ng trabaho?
Kung walang trabaho, paanong magiging konsumer? Paanong mag-iimpok sa
bangko?
Ngunit
kung babaliktarin natin ang pananaw—kung iisipin nating “Dadagdagan ko
ang kakayahan ng aking kapwa”—magbubunga po ito, at ang lahat ay
magkakaroon ng pagkakataon.
Maganda
na po ang nasimulan natin. At mas lalong maganda po ang mararating
natin. Ngunit huwag nating kalimutan na mayroong mga nagnanasang hindi
tayo magtagumpay. Dahil kapag hindi tayo nagtagumpay, makakabalik na
naman sila sa kapangyarihan, at sa pagsasamantala sa taumbayan.
Akin
pong paniwala na Diyos at taumbayan ang nagdala sa ating kinalalagyan
ngayon. Habang nakatutok tayo sa kapakanan ng ating kapwa, bendisyon at
patnubay ay tiyak na maaasahan natin sa Poong Maykapal. At kapag nanalig
tayo na ang kasangga natin ay ang Diyos, mayroon ba tayong hindi
kakayanin?
Ang
mandato nating nakuha sa huling eleksyon ay patunay na umaasa pa rin
ang Pilipino sa pagbabago. Iba na talaga ang situwasyon. Puwede na
muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.
Maraming salamat po. (PNA)
|